Dedesisyunan na ng Commission on Elections sa Lunes ang apela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ma-exempt sa public spending ban ngayong panahon ng eleksyon.
Inihayag ni Comelec commissioner George Garcia na noong nakaraang linggo pa nila hiningan ang (LTFRB) ng ebidensya at position paper kaugnay ng kanilang fuel subsidy program.
Kasalukuyan na anyang sumasailalim sa pag-aaral ang mga dokumento at sa Huwebes ay ipi-prisinta ang kanilang rekomendasyon sa Comelec En banc.
Tiniyak ni Garcia na agad nilang aaksyunan ang hirit ng LTFRB Lalo’t maraming mga tsuper at operator ng mga jeep ang umaasa sa subsidiya.
Magugunitang sinuspinde ng LTFRB ang pamamahagi ng fuel subsidies sa PUV drivers at operators dahil sa umiiral na public spending ban epektibo noong Marso 25 hanggang Mayo 8.