Huwag suhulan ang mga traffic enforcer.
Ito ang pakiusap ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez sa mga motorista kaugnay ng pagkakatalaga sa PNP Highway Patrol Group na magsaayos sa trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Marquez, nagsisimula ang kawalan ng disiplina sa pakikipag-areglo ng mga motorista na nais makalusot sa ginawa nilang paglabag sa batas trapiko.
Binigyang diin ni Marquez na dapat maging matapang ang mga motorista na harapin ang pasurang ipapataw dito kaugnay ng mga naging paglabag ng mga ito.
Tiniyak ni Marquez na walang sisinuhin ang mga miyembro ng HPG at kanilang huhulihin ang sinumang lalabag sa trapiko.
HPG na simula sa Lunes
Samantala, pinawi naman ng PNP Highway Patrol Group ang pangamba ng mga motorista hinggil sa presensya ng kanilang mga tauhan sa EDSA simula sa Lunes upang pangasiwaan ang daloy ng trapiko.
Ayon kay PNP-HPG Spokesperson Superintendent Oliver Tanseco, mga masasamang elemento ang dapat na katakutan ng publiko lalo na ang mga carnappers na maliligaw sa EDSA.
Gayunman, nanawagan si Tanseco sa publiko na isumbong kaagad sa kanila ang sinumang mangongotong at agad anila itong aaksyunan.
Matatandaang dahil sa deployment ng mga tauhan ng HPG sa EDSA marami ang nangangamba na maglipana na naman ang mga nangongotong na pulis.
By Ralph Obina