Pinagtibay na ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagbasura sa petisyon ni Senador Leila de Lima na kumukwestiyon sa findings of probable cause ng Muntinlupa Regional Trial Court.
Ito ay makaraang ibasura ng Supreme Court ang motion for reconsideration na inihain ni De Lima dahil sa kabiguan na mag-prisenta ng mga bagong argumento.
Kaugnay ito sa kasong may kinalaman sa Bilibid drug trade na inihain laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ) at sa ipinalabas ng korte na arrest warrant.
Ayon sa SC, natalakay na nila sa kanilang desisyon noong October 10, 2017 ang mga argumento na inilahad ni De Lima sa kanyang apela kaya’t ipinag-utos ang entry of judgment sa kaso.
Magugunita sa naunang desisyon ng SC ay kinilala nito ang exclusive jurisdiction ng Regional Trial Court sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.
Alinsunod ito sa itinatakda ng Section 90 ng RA 9165 na pinagtibay lalo sa ilalim ng Section 27 at 28 ng kahalintulad batas na nagtatakda ng mas mabigat na parusa kung ang akusado ay opisyal o kawani ng pamahalaan.
Panibagong apela
Samantala, pinag-aaralan na ng kampo ni Senadora Leila de Lima na muling maghain ng apela matapos ibasura ng Korte Suprema ang una na nilang inihaing MR hinggil sa kaso nitong may kinalaman sa iligal na droga.
Ito ay sa kabila na rin ng pinal na desisyon ng Korte Suprema at pagsasaad na hindi na ito tatanggap ng anumang mosyon sa kaso.
Ayon kay Atty. Florin Hilbay, isa sa mga abogado ni De Lima, pinalitan ng Department of Justice ang kaso mula sa conspiracy to trade in drugs mula sa drug trading bago pa man magdesisyon ang Korte Suprema.
Iginiit ni Hilbay, dahil sa ginawa ng DOJ nalabag ang karapatan ni De Lima sa due process at nangangahulugan din aniya itong ibang kaso ang dinesisyunan ng Korte Suprema.
Dagdag pa ni Hilbay, malinaw aniyang patuloy na gumagawa ng mga bagong kaso ang pamahalaan laban sa Senadora para mapanatili ito sa kulungan.
—-