Dedesisyunan na ng Korte Suprema ngayong buwan ang apela ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno hinggil sa pagkakatanggal nito sa puwesto.
Ayon kay acting Chief Justice Antonio Carpio, maglalabas na sila ng pinal na desisyon sa kaso dahil nais na rin nilang makapag-move on sa isyu.
Sinabi ni Carpio, anumang maging pinal na pasya ng mayorya ng Korte Suprema ay dapat tumalima ang lahat.
Kasabay nito, tiniyak ni Carpio sa publiko na normal ang sitwasyon sa Korte Suprema at patuloy lang aniya sila sa pagdedesisyon sa mga nakabinbing kaso at pagsasagawa ng mga oral argument.
Larawan ni dating CJ Sereno sa website ng SC, tinanggal na
Tinanggal na ng Korte Suprema ang larawan ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanilang website.
Nangyari ito sa gitna ng nakabinbin pang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baligtarin ang desisyon sa quo warranto case na inihain ng Solicitor General na nagresulta sa pagkakatanggal niya sa puwesto.
Ayon sa ulat, June 6 ay makikita pa ang larawan ni Sereno sa website kung saan naroon ang mga kasalukuyang mahistrado.
Ngunit kinabukasan o June 7, tinanggal na ang litrato ni Sereno at nakalagay na bakante na ang puwesto sa pagka-Punong Mahistrado.
—-