Nakatakdang talakayin ng Korte Suprema ang inihaing mosyon ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto, ngayong araw.
Ayon kay acting Chief Justice Antonio Carpio, kasama sa full court agenda ng Korte Suprema ang inihaing mosyon ni Sereno noong nakaraang linggo.
Dalawang aksyon naman ang posibleng gawin ng mga mahistrado hinggil dito, kabilang ang pagresolba sa motion ni Sereno o ang hingan ng komento si Solicitor General Jose Calida hinggil dito.
Batay naman sa dalawang daan at limang (205) pahinang mosyon ni Sereno, iginiit nito na nabalewala, isinantabi at binaligtad ng Korte Suprema ang basic, fundamental at matagal nang naitatag na Saligang Batas nang pagpasiyahan nitong i-disqualify at patalsikin siya sa puwesto bilang Chief Justice.
Dagdag ni Sereno, magdudulot din aniya ng pagkasira sa kalayaan ng hudikatura at separation of powers ang naging pasya din ng Korte Suprema.
Binigyang diin din ng dating Punong Mahistrado na tanging Senado lamang ang maaaring magtanggal sa posisyon ng isang impeachable officials.
—-