Aapela ang NDF o National Democratic Front sa Korte kaugnay ng pagkansela sa piyansa at pagpapa-aresto sa kanilang mga consultants na pansamantalang pinalaya.
Ayon kay NDF legal counsel Edre Olalia, kanilang tututulan ang inihaing mosyon ng DOJ o Department of Justice laban sa kanilang mga consultants.
Iginiit pa ni Olalia na hindi rin maaaring agad na hulihin ang mga nasabing consultants at kailangan pa itong dumaan sa judicial process sa pamamagitan ng mga Korte.
Dagdag ni Olalia, bagama’t bukas sila sa lahat ng legal options, hindi naman niya matiyak kung isusumite ng mga nasabing consultants ang kanilang mga sarili sa Korte.
Una rito, binigyan ng Manila Regional Trial Court branch 32 ang mga pansamantalang nakakalayang NDF consultants kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon ng sampung araw para sagutin ang inihaing mosyon ng DOJ.