Umapela ang Teacher’s Dignity Coalition sa Commission on Elections (COMELEC) na huwag nang ituloy ang pagbili ng uniform para sa mga miyembro ng Board of Election Inspectors o BEIs na magsisilbi sa May 9 elections.
Sinabi sa DWIZ ni TDC Chairperson Benjo Basas na masyadong mahal ang bib vests na mistulang apron na gagamitin ng mga BEI at hindi na ito kailangan pa dahil dagdag gastos lamang ito.
Idinagdag pa ni Basas na hindi sila kinonsulta ng COMELEC sa uniform na ipasusuot sa kanila.
Dapat aniya ay inilaan na lamang sa legal protection ng mga guro ang nasabing pondo.
“Para tayong mga kusinero baka naman isipin ng mga botante ay niluto na natin ang resulta ng eleksyon kasi nga parang apron yung ating isusuot, mukhang marami po sa aming mga kasapi sa inisyal pa lamang yan ang nagsabi na huwag nating isuot yan sakaling matuloy, of course umaapela kami sa COMELEC eh wag na nating ituloy ito baka magsasayang lang tayo ng pera, may mas malaking pupuntahan ang salapi na yan, malaking halaga po yan dapat ibigay natin sa mas mahalagang bagay.” Pahayag ni Basas.
COMELEC
Muling nanindigan ang COMELEC sa plano nilang pagbili ng mga uniporme ng mga board of election inspector para sa darating na halalan sa Mayo 9.
Sinabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez na dignidad para sa mga election worker ang simbolo ng mga susuuting uniporme ng mga ito at kapag may dignidad, nililikha nito ang ideya laban sa dayaan sa resulta ng halalan.
Una nang tinutulan ng election watchdog na LENTE o Legal Network for Truthful Elections ang naturang plano, sabay giit na nag-aaksaya lamang ng pera ang poll body.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Allan Francisco