Ibinasura ng COMELEC o Commission on Elections ang apela na palawigin pa ang registration period ng mga botante.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, naniniwala ang komisyon at maging ang mga nanunungkulan sa COMELEC tuwing halalan na sapat na ang naibigay nilang panahon para makapagparehistro at makapagpa-biometrics ang mga nais na makaboto sa 2016 elections.
Buwan pa ng Mayo 2014 nang simulan ng COMELEC ang ‘no bio no boto’ campaign at naglagay pa sila ng satellite registration centers hindi lang sa mga barangay kundi sa mga shopping malls.
Sinabi ni Bautista na mahalagang maisara na nila ang registration period upang masimulan ang iba pang kailangang paghahanda para sa 2016 elections.
Una rito, naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Kabataan Partylist Representative Terry Ridon na kumukuwestyon sa legalidad ng COMELEC resolutions na nagtatakda ng deadline sa registration ng mga botante.
“Ang pakay ng ating biometrics natin ay para linisin ang ating voter’s list, alam naman nating lahat na kumbaga maraming mga patay na nakakaboto, na double registrants, flying voters, nagsimula May 2014 ang numero po ng walang biometrics ay 9.6 million, for September 2015, bumaba ito sa mga 2.9 million.” Paliwanag ni Bautista.
By Len Aguirre | Karambola