Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral sa Senior High School (SHS) na magsumite na ng aplikasyon para sa SHS Voucher Program.
Ito’y matapos itakda na ngayong araw ang deadline ng paghahain ng aplikasyon upang makakuha ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng vouchers.
Ayon sa DepEd, ang mga mag-aaral na makapapasa sa programa ay tatawaging qualified voucher recipients.
Maaari nilang i-redeem ang kanilang vouchers simula Agosto 22 hanggang sa Nobyembre 4 at ito ang kanilang ipapasa sa mga paaralang kanilang papasukan.
Para makapaghain ng aplikasyon sa SHS Voucher Program, kailangang may account sa Online Voucher Application Portal.
Noong Hunyo 29 sinimulan ng DepEd ang voucher program para sa school year 2022-2023.
Ang nasabing voucher ay nagkakahalaga 8,000 hanggang 22,500 pesos.