Nananatili paring nakabinbin sa tanggapan ng Food and Drug Administration o FDA ang aplikasyon sa paggamit ng COVID-19 vaccines para sa mga batang apat na taong gulang pababa.
Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na hanggang sa ngayon ay hindi pa naiisyuhan ng Emergency Use Authorization (EUA) ang naturang mga bakuna para sa nasabing age group.
Ayon kay Vergeire, patuloy pang tinatalakay ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang isinumiteng aplikasyon sa FDA.
Nabatid na marami na sa naturang age group ang dinapuan ng virus kaya dapat na agad desisyonan ang pag-apruba sa pagbibigay ng EUA para agad na mabakunahan ang mga bata lalo na ang mga nasa lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Matatandaan na sa Estados Unidos, ang mga batang wala pang limang taong gulang ay tinuturukan na ng Pfizer at Moderna COVID-19 vaccines bilang proteksiyon laban sa COVID-19 at iba pang kumakalat na virus.