Napatay ng mga sundalo ang apo ni Abu Sayyaf Group Leader Raddulan Sahiron sa isinagawang operasyon ng militar sa Sulu kagabi.
Ayon kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, Commander ng Western Mindanao Command (Wesmincom), naharang sa isang checkpoint ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf sakay ng isang motorsiklo sa barangay Bilaan, bayan ng Talipao mag-aalas 10:00 kagabi.
Subalit sa halip na sumuko, pinaputukan pa ng dalawa ang mga sundalo dahilan upang sumiklab ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig.
Habang nagpapatuloy ang pagtugis, natagpuan ng mga sundalo ang labi ng isa sa mga ito na inabandona ng kaniyang kasama sa barangay Lambana at nakilala ito sa alyas na Vikram.
Si alyas Vikram ay kilalang gumagawa ng bomba at isa sa mga utak sa pagpapasabog sa Jolo Cathedral gayundin sa detachment ng 1st brigade combat team.