Maaaring karamihan sa inyo ay narinig na ang sakit na appendicitis, ngunit ano nga ba ang kondisyong ito?
Ang appendicitis ay isang kondisyon kung saan ang appendix, isang maliit na bahagi ng bituka na matatagpuan sa kanang ibabang bahagi ng tiyan, ay namamaga.
Ito ay posibleng dulot ng pagbabara ng appendix, infection, o kaya naman genetics o may kapamilya nang nagkaroon nito.
Kabilang sa mga sintomas ng nasabing sakit ay ang panandaliang pananakit sa tiyan na nagsisimula sa gitnang bahagi at unti-unting lumipat sa kanang ibabang bahagi ng tiyan; matinding sakit na lumalala kapag gumagalaw, humihinga, o kapag pinipiga ang tiyan; pagkakaroon ng lagnat; pagduduwal at pagsusuka na kadalasang kasunod ng sakit; kulang na o hindi normal na pagdumi o pagkawala ng gana sa pagkain.
Ang pinaka-epektibong paggamot para sa appendicitis ay operasyon o ang pagtanggal ng appendix sa pamamagitan ng open appendectomy o laparoscopic appendectomy.
Kung ang appendix ay pumutok na, maaaring kailanganin ang mas malawak na operasyon at paggamit ng antibiotics upang labanan ang impeksyon.
Paalala po: Kung sa tingin mo ay may appendicitis, agad nang magpatingin sa doktor upang maiwasan ang komplikasyon.—sa panulat ni John Riz Calata