Ibinasura ng Board of Pardons and Parole sa unang bahagi ng taong ito ang application for executive clemency ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Ito, ayon kay Parole and Pardons Administration Head Manuel Co, ay dahil sa bigat ng mga krimeng ginawa ni Sanchez na una nang na sentensyahan ng pitong (7) termino ng tag-40 taon para sa pagdukot, pagpaslang at panggagahasa kay University of the Philippines-Los Baños (UPLB) student Eileen Sarmenta.
Sinabi ni Co na hindi na nakarating sa pangulo ang application for clemency ni Sanchez dahil sa level pa lamang nila ay hindi na ito naaprubahan.
Ipinabatid pa ni Co na hindi kuwalipikado para sa parole si Sanchez dahil ang hatol dito ay life imprisonment na maituturing na indivisible penalty at ang binibigyan lamang ng parole ay yung mayroong indeterminate penalty o may minimum at maximum.
Ang pinal aniyang pagbabawas sa jail term ng mga bilanggo base sa Republic Act 10592 kung saan nakasaad ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay trabaho ng Bureau of Corrections (BuCor).
Binigyang diin ni Co na ang mga points na nakuha ng isang bilanggo dahil sa kaniyang good conduct ay hindi na mababalewala bago gawin ang iba pang paglabag.