Bigong maisama ng Comission on Elections sa mga naiproklamang nanalong partylist groups ang United Senior Citizens makaraang ibasura ang kanilang petition for registration.
Batay ito sa 22 pahinang resolusyon na inilabas ng dating Comelec 2nd division.
Ilan sa dahilan sa pagbasura sa petisyon ang kabiguan ng grupo na patunayan na nakasunod sila sa requirement na ang partylist group ay dapat isang taon o higit pa na na-organisa bago ang paghahain ng petition for registration.
Sa sinumpaang salaysay ng isa sa mga miyembro ng Board of Trustees ng United Senior Citizens, noon lamang 2020 at hindi 2018 inorganisa ang kanilang partylist.
Inamin din nito na pineke ang kanyang pirma sa resolusyon ng grupo.
Napatunayan din na base sa dokumento mula sa DSWD project Management Bureau, ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP) ay tumatanggap ng pondo kada taon na taliwas sa nakasaad sa Resolution 9366, na hindi sila dapat tumatanggap ng pondo sa pamahalaan.
Aminado ng United Senior Citizens na isa sa kanilang mga miyembrong grupo ang FSCAP.