Kinontra ng grupong Karapatan ang appointment ni dating AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Roy Cimatu bilang DENR o Department of Environment and Natural Resources Secretary.
Ayon kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, ang appointment ni Cimatu ay patunay ng militarization ng civilian bureaucracy dahil ang bagong DENR Secretary ay mukha ng war against terror ng Arroyo administration.
Partikular na tinukoy ni Palabay ang papel ni Cimatu bilang pinuno ng AFP Southern Commander mula September 2001 hanggang May 2002 at akusahang ilang Basilan residents bilang miyembro ng abu Sayyaf.
Ilan aniya sa mga iligal na inaresto ay nananatili pa rin sa mga kulungan.
Matatandaang nanumpa na bilang bagong kalihim ng DENR si Special Envoy to the Middle East at dating AFP Chief of Staff Roy Cimatu.
Ito’y makaraang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cimatu bilang kapalit ni dating DENR Secretary Gina Lopez na ni-reject ng makapangyarihang Commission on Appointments.
Kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang ginawang pagtatalaga ng Pangulo kay Cimatu makaraang ianunsyo mismo ito ng Punong Ehekutibo sa ginawang cabinet meeting kahapon.
Una munang naglingkod si Cimatu bilang hepe ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas nuong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kapalit ng ngayo’y National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Dalawang beses din itinalaga si Cimatu bilang special envoy sa Gitnang Silangan, una ay noong panahon ng administrasyong Arroyo at nakabalik sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
By Judith Larino | Jaymark Dagala
*Malacañang Photo