Muling ipagpapaliban ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang confirmation sa appointment ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo.
Inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi pa nagbibigay ng pruweba si Tulfo na ni-renounce na nito ang kanyang American citizenship na nakuha niya noong dekada otsenta at ni-renounce sa unang bahagi ng taon.
Ayon kay Zubiri, na namumuno sa CA, maaaring magbigay ang kalihim ng kahit na “documentary proof” o “certification” na wala na siyang U.S citizenship.
Kailangan din anyang maresolba ang issue sa hatol na guilty kay Tulfo sa kasong libel at mag-iimbita sila ng mga dati at kasalukuyang mahistrado ng Supreme Court para pag-usapan ang hatol sa krimen na tinuturing na “crime involving moral turpitude.”
Nilinaw naman ng mambabatas na maaari pa rin namang makalusot si Tulfo sa CA kung maayos ang mga nasabing isyu sa kanyang appointment.
Gayunman, kung sa pagbalik ng Kongreso matapos ang break nitong pasko at ma-bypass sa ikatlong pagkakataon ang kalihim ay pagbobotohan ng CA kung aaprubahan o ibabasura ang appointment ni Tulfo. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)