Napanatili ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mataas na approval at trust ratings nito batay sa Ulat sa Bayan Survey ng Pulse Asia.
Walumpu’t anim (86) na porsyento ng mga respondents ang nagsabing pasado o aprub sa kanila ang pagganap ng Pangulong Duterte sa kanyang tungkulin bilang presidente, 11 ang undecided samantalang 3 porsyento lamang ang nagsabing hindi aprub sa kanila ang trabaho ng Pangulo.
Samantala, 86 percent rin ang nagsabing malaki ang tiwala nila sa Pangulo at 3 porsyento lamang ang nagsabi na wala silang tiwala sa Pangulo.
Bagamat bumaba ng 5 porsyento ang bilang ng nagtitiwala sa Pangulo mula sa 91 percent na trust ratings noong July, sinabi ng Pulse Asia na halos wala itong ipinagkaiba dahil sa plus at minus 3 percent margin of error.
Samantala, si Vice President Leni Robredo ay nakakuha ng 66 percent approval rating at 65 percent naman ang may tiwala sa kanya.
Umabot naman sa 61 percent ang approval ratings ni Senate President Koko Pimentel, 43 percent kay House Speaker Pantaleon Alvarez samantalang 46 percent kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Nakakuha rin ng trust rating na 55 percent si Pimentel, 41 percent kay Alvarez at 44 percent kay Sereno.
Senate, House of Representatives and the Supreme Court
Lumaki naman ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa tatlong institusyon sa bansa, ang Senado, Kamara de Representantes at Korte Suprema.
Batay sa Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia, 57 percent ng mga respondents ang nagtitiwala sa senado, 52 percent sa House of Representatives at 50 percent sa Supreme Court.
Halos 20 porsyento ang itinaas ng tiwala ng taongbayan sa Senado kumpara sa 37 percent na trust ratings nito noong July, 18 percent naman sa Kamara at 9 percent sa Korte Suprema.
Maging ang performance ratings ng senado ay tumaas sa 58 percent mula sa 53 percent noong july samantalang 52 percent naman mula sa 49 percent ang sa Kamara.
Tanging ang Korte Suprema ang bumaba ng 3 percent ang performance ratings o 51 percent mula sa dating 54 percent noong July.
By Len Aguirre