Hinihintay pa ng pamahalaan ng Pilipinas ang pahintulot mula sa gobyerno ng Estados Unidos para maikasa ang pagpapauwi sa mga Pilipinong sakay ng MV Grand Princess na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at nakadaong sa California.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Arriola, inihahanda na nila ang repatriation para sa mahigit limang daang Pilipinong sakay ng nabanggit na cruise ship.
Gayunman, kinakailangan nilang hintayin ang pag-apruba ng US State Department alinsunod na rin sa ipinatutupad na protocol doon.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 6 sa 529 na Pilipino crew at 9 na pasaherong Pilipino na sakay ng mv grand princess ang nagpositibo sa COVID-19.