Malapit nang makamit ng electric vehicle industry ang tagumpay dahil abot-kamay na umano ng kanilang hanay ang pinakahihintay nilang tax breaks sa e-motorcycles.
Ito’y dahil isang pirma na lamang ang kailangan nito.
Kasunod ito ng pag-apruba ng National Economic Development Authority (NEDA) sa pagpapalawak sa Executive Order No. 12, series of 2023. Sinasabing nangangahulugan ito na isasama na sa executive order, na nagkakaloob ng tax breaks sa EVs, ang e-motorcycles, kaya maaalis na ang taripa sa imported models.
Sa 16th Board Meeting ng NEDA kamakailan, sinabi ng ahensya na nagkasundo ang board na aprubahan ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters na palawakin ang saklaw ng EO 12 hanggang 2028, na nag-aalis din ng taripa para sa e-motorcycles, e-bicycles, at nickel metal hydride accumulators.
Nabatid na ang inaprubahang bersiyon ng revised EO 12 ay nasa mga kamay na ngayon ni NEDA Chairman at President Ferdinand Marcos Jr., para sa final approval at publication.
“Executive Order No. 12 is designed to stimulate the electric vehicle (EV) market in the country, support the transition to emerging technologies, reduce our transport system’s reliance on fossil fuels, and reduce greenhouse gas emissions attributed to road transport,” pahayag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, tulad ng naka-post sa website ng ahensya.
Sinasabing ang zero emissions ng e-motorcycles ay isa sa “most emphasized traits” dahil ang transportation sector ay responsable sa pagbuga ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change, ayon sa datos ng Statista.
“By encouraging consumers to adopt EVs, we are promoting a cleaner, more resilient, and more environmentally friendly transportation alternative,” ayon kay Balisacan.
Napag-alaman na buhat nang magkabisa ang EO 12 noong February 2023, hiniling na ng EV industry leaders ang isama ang e-motorcycles sa ilalim ng executive issuance, kinuwestiyon ang layunin nito at iginiit ang inclusion nito sa sandaling isagawa ang pagrebyu.
Dalawa sa kanila, ang think tank Stratbase ADR Institute at ang advocacy network CitizenWatch Philippines, ang aktibong nagkakampanya para sa tax breaks sa e-motorcycles magmula noong 2023, kung saan binigyang-diin nila ang mga benepisyo sa bansa, kapaligiran, at ekonomiya sa sandaling maisama sa mga sasakyan sa bansa.
Nagpahayag din ng solidong suporta ang Electric Kick Scooter (EKS) of the Philippines, Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), at ilang ahensya ng pamahalaan sa pag-aalis sa taripa sa e-motorcycles, na maliwanag sa kani-kanilang posisyon sa Tariff Commission matapos ang public hearing nito noong Marso.
Batay sa initial version ng EO 12, tanging e-motorcycles ang pinapatawan ng 30 percent import tax, habang ang ibang uri ng EVs ay binawasan o inalis sa tariff rates.
Isiniwalat naman ng Statista Research Department na ang motorcycles ay bumubuo sa humigit-kumulang 7.81 million registered vehicles sa bansa noong 2022, na siyang pinakapopular na vehicle type sa mga motorista.
Hangad din ng Department of Energy (DOE) na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units, sa pag-asang makatulong ang green transportation sector na mabawasan ang 35.42 million tons ng carbon dioxide emissions ng bansa noong 2022, na nag-ambag sa climate change.
Pinagtibay ang EO 12 upang tulungan ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) na lumikha ng isang industriya para sa EVs sa bansa at makatulong sa pagbabawas ng carbon emissions, bilang pagtalima sa commitment ng Pilipinas sa Paris Agreement.