Sumadsad ang approval rating ni Russian President Vladimir Putin dahil sa kasalukuyang krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng independent research centre na Levada, nakakuha si Putin ng 59% na approval rating na mas mababa sa 69% na nasungkit niya noong Pebrero.
Kabilang umano sa ikinagagalit ng publiko at maging ng kanyang mga tagasuporta ay ang pension reform na isinulong ni Putin, gayundin ang pagbagsak ng presyo ng langis at ang nagbabadyang krisis pang-ekonomiya na pangalawang beses nang nangyari sa Russia sa loob ng 10 taon.
Nabatid na hindi rin nagustuhan ng mga kritiko ang ikinasang pagbabago sa Konstitusyon na magpapanatili kay Putin sa kapangyarihan hanggang 2036.