Kapwa tumaas ang approval ratings nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa ikalawang bahagi ng 2018.
Batay sa Pulse Asia survey, nakapagtala ng 88 percent na approval score si Pangulong Duterte.
Mas mataas ito ng walong (8) porsyento kumpara sa 80 percent na approval rating nito noong Marso.
Samantala, umakyat naman na sa 62 percent ang approval rating ni Robredo na mas mataas kumpara sa 59 percent noong unang quarter ng 2018.
Lumamalabas din sa survey na 87 percent ng mga Pilipino ang may malaking tiwala kay Pangulong Duterte habang 56 percent naman ang kay Robredo.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Hunyo 15 hanggang 21 sa may 1,800 respondents sa harap ng kainitan ng isyu ukol sa pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, deklarasyon ni Pangulong Duterte na hindi ito makikipag-giyera sa China at mga panawagang suspendihin ang bagong reporma sa buwis o ang TRAIN Law.
—-