Binawi ng Senado ang naunang inaprubahang budget para sa susunod na taon ng Base Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito ay matapos kuwestyunin ng mga senador ang abilidad ng BCDA na tiyaking hindi masasayang ang mga bagong tayong pasilidad na gagamitin para sa South East Asian (SEA) games.
Naalarma si Senate Minority Floor leader Franklin Drilon sa aniya’y kawalan ng financial plan ng BCDA para sa maintenance ng sports facilities na gagamiting venue sa SEA games partikular ang nasa New Clark City sa Tarlac.
Lumutang ang problema sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2020 budget ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sa pag depensa ni Senate Sports Committee Chair Bong Go sa pondo ng PSC, sinabi ni chairman William Ramirez na ang P9. 5-billion na pondo ng BCDA ay ginamit sa pagpapatayo ng bagong sports facilities habang ang P859-million ay ginamit sa rehabilitasyon ng ilang gymnasiums.
Ayon kay Go, plano ng BCDA na ipa-bid ang mga pasilidad sa private developers na magme-maintain at mag o-operate ng mga istruktura na pagkakakitaan ng gobyerno.