Napako lamang ang pangako ng Pangulong Benigno Aquino III na pagbubutihin nito ang estado ng human rights sa bansa mula nang maluklok ito sa kapangyarihan.
Inihayag ito ng grupong Human Rights Watch bagaman nakapagtala ang administrasyong Aquino ng maliit na bilang ng mga seryosong paglabag sa karapatang pantao.
Ngunit ayon kay Phelim Kine Deputy Director for Asia ng Human Rights Watch, patuloy naman ang pagpatay sa mga kilala o prominenteng aktibista sa bansa.
Bigo rin ang administrasyon na mapanagot ang mga nasa likod ng paglabag sa human rights na siyang pinangangambahang tataas pa sa hinaharap.
Ginawang batayan ng grupo ang walang awang pagpatay sa mga katutubong Lumad sa Mindanao noong isang taon kung saan, kapwa itinuturong salarin ang mga tropa ng militar at para military groups
Malacañang
Kinontra naman ng Malacañang ang ulat na nabigo ang administrasyong Aquino na pagbutihin ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, hindi makatuwiran ang naging paratang ng Human Rights Watch na walang ginawa ang administrasyon para hindi umusad ang kaso ng mga biktima ng paglabag.
Sa katunayan, binigyang diin ni Coloma ang itinatag na task force ni Pangulong Noynoy Aquino para repasuhin ang mga prominenteng kaso ng extrajudicial killings at paglabag sa human rights ng mga nakalipas na administrasyon.
Isinisi ng Palasyo sa hudikatura ang mabagal na pag-usad ng mga kaso bunsod ng kahinaan ng criminal justice system sa bansa.
Kahit ang Pangulong Noynoy Aquino rin ani Coloma ay nakaranas din ng paglabag sa karapatang pantao kasama ang kanyang mga magulang na siyang ginawa niyang batayan para sa paggalang sa human rights.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)