Wala umanong ipamamanang mabigat na problema ang Aquino Administration kay President-elect Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino, makaaasa ang susunod na administrasyon na gumaan na ang problema sa bansa dahil na rin sa mga reporma at pagbabagong ipinatupad ng kanyang administrasyon.
Tinukoy ni Pangulong Aquino ang ilan sa mga maipagmamalaking achievement ng kanyang administration tulad ng paglago ng ekonomiya dahil sa naitalang higit anim na poryentong gross domestic product, modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines, ang nasimulang Skyway project malapit sa NAIA na inaasahang madaraanan na sa Hulyo o Agosto, at pati na rin ang napunang backlog sa mga pampublikong silid-aralan sa buong bansa.
Tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang mga ipinatutupad na programa ng gobyerno para sa ekonomiya at seguridad hanggang sa huling araw ng kanyang termino sa June 30, 2016.
Nakatitiyak, aniya, ang Pangulo na hindi siya mahihiyang bumalik sa mga lalawigang kanyang napuntahan dahil hindi niya pinabayaan ang mga ito sa loob ng 6 na taong panunungkulan.
By: Avee Devierte