Aminado si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na naguguluhan sya sa pagkakatalaga kay Vice President Leni Robredo bilang co-chairman nya sa Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Aquino, kung ibabatay kasi sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte, nais nyang ibalik sa gabinete ang pangalawang pangulo bilang ‘drug czar’.
Gayunman, sinabi ni Aquino na hindi naman cabinet position ang pagiging pinuno ng ICAD dahil ang tanging trabaho nito ay makipag-ugnayan sa 45 ahensya ng pamahalaan na miyembro ng komite.
Maliban dito, hindi rin itinago ni Aquino na posibleng mailang syang katrabaho si Robredo dahil sa posisyon nito bilang bise presidente.
Parang medyo na-ano nga ako –kasi ang assumption ko no’n, parang bibigyan siya ng cabinet position, and then ‘yung opisina ko naman, magke-create ng opisina; so, the PNP, PDEA and other law enforcement agencies under this office, parang drug czar nga ang dating. Medyo nacoconfuse lang ako siguro kung papaano ang magiging setup, kasi ang rank ko lang naman is undersecretary, so, talagang medyo nakakailang,” ani Aquino.
Sa kabila nito, sinabi ni Aquino na –bagay ibigay na responsibilidad kay Robredo ang adbokasiya na isinusulong ng ICAD dahil naaayon ito sa kanyang mga ibinigay na kritisismo sa ‘drug war’ ng administrasyon.
Tumutukoy anya ito sa edukasyon at rehabilitasyon na bahagi ng kampanya para masugpo ang illegal drugs sa bansa.
Sakaling tanggapin niya, imumungkahi ko na ‘yun ang focus niya do’n sa advocacy kasi kailangan nating turuan ang mga kababayan natin, especially ‘yung mga estudyante natin, sa barangay, ng effects ng drugs,” ani Aquino.