Nag-deadmahan lamang ang mga dating Pangulong sina Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa kanilang paghaharap sa ipinatawag na National Security Council meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, kahapon.
Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang anim na taon ay nagkaharap sina Ginang Arroyo at Aquino, na dati niyang economics student at isa rin sa mga dahilan ng kanyang halos limang taong pagkaka-hospital arrest.
Gayunman, panandaliang ngiti lamang ang isinalubong ng kongresista sa kapwa dating pangulo sa halip na magkamayan.
Hindi rin nagpansinan ang dalawa nang dumating sa Palasyo at nang pumasok na sa kwarto si Pangulong Duterte ay kinamayan ito ni Aquino na agad nagtungo sa kaliwang bahagi ng Pangulo upang kamayan naman si dating Pangulong Fidel Ramos.
Sa kanang bahagi naman ni Pangulong Duterte nakitang nakipag-kamay si Ginang Arroyo sa dati ring pangulong si Manila Mayor Joseph Estrada.
Nag-pose sa harap ng PTV 4 ang limang leader para sa isang group photograph kung saan nasa gitna si Duterte, nasa kanan sina Estrada at Arroyo habang nasa kaliwa sina Ramos at Aquino na pawang nakangiti.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)