Pinahaharap ng Commission on Elections o COMELEC si dating Pangulong Noynoy Aquino sa isang imbestigasyon.
May kaugnayan ito sa kasong isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at dalawa pang abogado dahil sa di umano’y paglabag ni Aquino at dalawang dating cabinet members sa batas ng eleksyon.
Ayon kay Atty. Manny Luna, isa sa mga abogado ng VACC, inaasahang makakaharap nila sa March 8, 9 at 15 sina Aquino, dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Butch Abad.
Ang kaso ay may kaugnayan sa pagpapalabas ng Aquino administration ng 3.5 billion pesos na ipinambili ng Dengvaxia vaccine sa panahon ng eleksyon.
Isa lamang ito sa mga kasong naisampa ng VACC laban kay Aquino at mga dating tauhan nito na konektado sa Dengvaxia vaccine.
Samantala, binalewala ni Luna ang napapaulat na absuwelto di umano sa committee report ng House Committee on Health si Aquino.
“Hindi naman siya investigative in nature so kung ano ang magiging resulta diyan hindi binding ‘yan sa DOJ, sa COMELEc for instance, kasi iba ang investigative body, ang tinitingnan niyan ay kung merong probable cause at kung puwedeng mag-sustain ng isang kaso sa korte, whereas diyan sa House ay para ma-improve lamang ang legislation o mga batas.” Ani Luna
(Balitang Todong Lakas Interview)