Pag-aaralan ng Senate Blue Ribbon Committee kung irerekomenda ang pagsasampa ng kasong plunder laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Health Secretary Janette Garin at iba pang dating opisyal na sangkot sa pagbili ng Dengvaxia vaccine.
Matatandaan na tatlo at kalahating bilyong piso ang halaga ng Dengvaxia vaccines, isang bilyon dito ang isinoli ng Sanofi Pasteur para sa mga bakuna na hindi pa nagagamit.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, sigurado nang irerekomenda nilang kasuhan si Aquino, Garin at iba pa ng graft and corruption at paglabag sa code of ethics para sa mga opisyal ng pamahalaan.
Nag-ugat aniya ito sa pakikipagpulong nina Aquino at Garin sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur at minadaling pagbili sa Dengvaxia vaccines.
Nasa mahigit walong daang libong (800,000) batang may edad siyam pataas ang nabakunahan ng Dengvaxia bago ibinunyag ng Sanofi na hindi ligtas ang bakuna sa mga hindi pa dinadapuan ng dengue.
Samantala, irerekomenda rin ng komite ni Gordon na kasuhan ng homicide ang Sanofi Pasteur na siyang gumawa ng Dengvaxia.
—-