Sinampahan ni dating Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Chief at Iloilo Representative Augusto Syjuco Jr. si dating Pangulong Noynoy Aquino ng kasong mass murder at plunder sa Office of the Ombudsman.
Kaugnay ito sa pagbili at pagpapabakuna ng nasa 3.5 billion pesos na halaga ng dengvaxia dengue vaccine.
Kasama rin sa kinasuhan si dating Health Secretary Janette Garin at ilan pang mga Jane Doe at John Doe.
Gayunman aminado si Syjuco na wala siyang hawak na mga ebidensya laban sa dating pangulo at ang tanging meron lamang siya ay pinagsama-samang mga news articles at report kaugnay sa usapin ng dengvaxia.
Matatandaang kahapon ay humarap sa pagdinig ng Senado si Aquino at Idinepensa ang ipinatupad na dengue vaccination program sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Binigyang diin nito na 2010 pa problema ang dengue sa bansa at batay aniya sa ulat ni dating Health Secretary Enrique Ona, limang rehiyon sa bansa ang may pinakamataas na kaso ng dengue noong panahong iyon.
(Ulat ni Jill Resontoc)