Pinabulaanan ni Presidential Legal Chief Adviser Salvador Panelo ang mga paratang ng noo’y tagapagsalita ni dating Pangulong Noynoy Aquino na si Edwin Lacierda na lilikha lamang ng ‘alternative at animal facts’ ang plano ni Pangulong Duterte na bumuo ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa madugong Mamasapano clash, dalawang taon na ang nakararaan.
Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni Panelo na hindi layon ng bubuuing komisyon ang magpalabas ng alternative at animal facts bagkus ay bigyan ng pagkakataon si dating pangulong Aquino na makapagpaliwanag hinggil sa naging resulta ng mga nakaraang imbestigasyon na itinuturong may pananagutan siya sa naganap na insidente batay sa prinsipyo ng command responsibility.
“Kung matatandaan ninyo, may imbestigasyon ang senado, at ang PNP wherein both investigations point to the ultimate command responsibility of former president Noynoy Aquino. Kaya nga gagawa ng independent commission, para malaman kung ‘yung paratang o haka-haka sa kanya ay may basehan ba talaga o wala upang mabigyan naman natin ng katarungan ang dati nating presidente. We must give him due process and the opportunity to explain his side.”
Nagbigay din ng katiyakan si Panelo na sila’y tatalima sa batas hinggil sa magiging sunod na aksyon sa paglabas ng resulta ng imbestigasyon.
“Whatever the evidence will lead us to, the law must be complied with. Susundin natin ang batas kung ano ang dapat gawin.”
Samantala, inihayag din ni Panelo na wala pa siyang natatanggap na direktiba mula kay Pangulong Duterte kaugnay sa magiging konkretong plano at time table ng nasabing komisyon.
“Wala pa kong natatanggap na instruction mula sa pangulo, ang alam ko lang ay bubuuin ito ng mga dating justices ng Korte Suprema.”
By Ira Cruz | Credit to: Karambola (Interview)