Pinangunahan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Corregidor.
Kabilang sa mga aktibidad ang wreath-laying o pag-aalay ng mga bulaklak sa mga beterano at mahigit dalawandaang (200) beterano at iba pang panauhing sakay ng Coast Guard vessels ang nakiisa sa nasabing seremonya.
Mula Pier 13 sa South Harbor sa Maynila, ang mga beterano at guests ay isinakay sa BRP Malabrigo, BRP Cape Enganio at BRP Kalanggaman patungo ng Corregidor Island at pabalik.
Nagbigay-pugay naman ang Philippine National Police (PNP) sa ipinamalas na kabayanihan ng mga Pilipinong nakipaglaban sa mga sumakop sa bansa.
Pinangunahan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kasama ang 190,000 miyembro ng Pambansang Pulisya ang pakikiisa sa sambayanan sa paggunita ng ika-pitumpu’t pitong Araw ng Kagitingan.
Binigyang diin ni Albayalde na hindi matatawaran ang ipinakitang pagmamahal sa bayan ng mga beterano na hanggang ngayon ay ipinapamalas naman ng mga pulis na nagbubuwis ng buhay para sa Diyos, bayan at mga kapwa Pilipino sa paglaban kontra krimen, droga, terorismo at katiwalian.
Kasabay nito, tiniyak ni Albayalde ang maayos na seguridad sa lahat ng pagdarausan ng mga programang may kinalaman sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.
Aral ng Araw ng Kagitingan
Ipinaalala ng historian na si Professor Xiao Chua na utang natin sa mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.
Ito ang paalala ni Chua sa kasalukuyang henerasyon ngayong ipinagdiriwang ang Araw ng Kagitingan.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin nito na hindi dapat basta basta isinusuko ang ating kalayaan at huwag kalimutan ang aral ng ating kasaysayan.
“Kaya ang sinasabi ko lagi sa mga kabataan huwag naman nating sabihin na I’m giving up my freedom, I’m giving up my human rights because of discipline kasi ang makikita natin dito sa Pilipinas magkasama ang discipline dapat sa kalayaan kasi sinasabi ni Emilio Jacinto ang tunay na kalayaan iniisip ang kapakanan ng lahat at kinalilimutan ang pakinabang mo upang ang lahat ay makinabang, so ‘yung kalayaan mo ay kalayaang gumawa ng mabuti ‘yan ay tungkulin natin hindi lang para sa ating sarili at sa bansa kundi dun sa mga lumaban para sa atin noong World War II. Binabalikan natin ‘yung digmaan hindi para makipag-digma tayo kundi para maging aral na panatilihin at mahalin natin ang kalayaan at kapayapaan.” Pahayag ni Chua
By Ralph Obina
—-