Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang paggunita sa “Battle of Pinaglabanan” ngayong National Heroe’s Day.
Maliban sa pag-aalay ng bulaklak ay nagbigay din ng 21 gun salute sa Pinaglabanan Shrine bilang pagpupugay ng lungsod sa kabayanihan ng mga martir na lumaban sa mga mananakop na Espanyol.
Simple ang naging paggunita sa araw na ito ng lungsod na may temang “Kasaysayan ng Kabayanihan at Kalayaan sa Pinaglabanan, Inspirasyon sa Paglaya mula sa Pandemya sa San Juan!”.
Kabilang sa mga dumalo sa flag raising ceremony sina National Historical Commission of the Philippines Chief Historic Sites Development Officer Gina Batuhan at iba pang opisyal ng lungsod.
Binigyang pugay din ng Alkalde sa kaniyang talumpati ang mga medical at non-medical frontliner na itinuturing din niyang mga makabagong bayani ngayong panahon ng Pandemya.
Ipinagmalaki rin ni Zamora ang mga bagong kabit na solar powered lights sa Pinaglabanan Shrine na kapag pinailaw sa gabi ay makikita sa top view ang imahe ni Gat. Andres Bonifacio.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)