Hindi natin maaasahan na kikilalanin ng China ang magiging desisyon ng Permanent Court of Arbitration hinggil sa gusot sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni dating Security Adviser Roilo Golez sa gitna ng napipintong paglalabas ng korte ng desisyon nito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Golez na kahit pa manalo ang Pilipinas ay tiyak na hindi ito igagalang ng China.
Gayunman, giit ni Golez, ang pupuwersa sa China para sumunod sa magiging hatol ng tribunal ay ang international opinion.
Bahagi ng pahayag ni dating Congressman at Security Adviser Roilo Golez
Aminado din si Golez na walang anumang ahensya sa mundo ang puwedeng magpatupad ng desisyon ng International Arbitral Tribunal.
Ngunit, hindi anya makakabuti sa China kung ibabalewala nila ang international opinion hinggil sa ginagawa nilang pag-angkin sa kabuuan ng South China Sea.
Bahagi ng pahayag ni dating Congressman at Security Adviser Roilo Golez
Countdown ang flower offering
Magsasagawa ng countdown ang grupo nina dating Parañaque Congressman Roilo Golez para sa pagbaba ng desisyon ng International Arbitral Tribunal sa kasong iniharap ng Pilipinas laban sa China.
Tinatayang alas-5:00 ng hapon oras sa Pilipinas lalabas ang desisyon ng International Tribunal.
Nakatakda ring mag-alay ng bulaklak ang grupo ni Golez sa seawall ng Manila Bay na nakaharap sa West Philippine Sea at magpapakawala rin sila ng mga balloons bilang simbolo ng kalayaan.
Kumpiyansa si Golez na walang kaduda-dudang, papabor sa Pilipinas ang magiging desisyon ng International Tribunal.
Malinaw naman anya na ilan sa mga inaangking teritoryo ng China ay nasa loob ng economic zone ng Pilipinas.
Bahagi ng pahayag ni dating Congressman at Security Adviser Roilo Golez
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita