Ipinagkibit-balikat lamang ni Archbishop – Emeritus Oscar Cruz ang maaanghang na mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga pari at simbahang katolika.
Sa programang Balita Na Serbisyo Pa ng DWIZ, sinabi ni Cruz na sa tinagal-tagal ng simbahang katolika bilang institusyon, namatay na aniyang lahat nang umatake at bumatikos dito ngunit nakatayo at matatag pa rin ang simbahan.
“Ang simbahan, dalawang libong taon na yan, marami namang umatake diyan, kaliwa’t kanan, kung sino-sino, pero pagkatapos lahat ng umatake nakalibing na ng anim na talampakan sa ilalim ng lupa pero ang simbahan andiyan parin, okay lang, walang problema yun”, pahayag ni Cruz.
Kaya naman, ayon kay Cruz, tuloy pa rin ang simbahan sa pangangaral dahil tungkulin nito ang ipahayag ang salita ng diyos tulad ng “Huwag Kang Papatay”.
“Basta ang simbahan tuloy lang siya sa kanyang pangangaral pagkat katungkulan yan, sabi nga preach the gospel throughout the world, ginagampanan po niya, ngayon kung makikinig salamat kung merong hindi makinig silang bahala, hindi naman malalalim ang katuruan ng simbahan at ang kanyang kinikilos at ginagawa”, ani Cruz.
“Personally, masasabi ko na, alangan naman salungatin ko yung ni isa sa sampung utos ng Diyos na huwag kang papatay, malinaw naman yun”, dagdag pa ni Cruz.
Arch. Oscar Cruz umaasang hindi ma-aprubahan ang Death Penalty
Umaasa rin si Archbishop – Emeritus Oscar Cruz na hindi ma-aaprubahan ang panukalang death penalty.
Ngunit, anya, maipasa man o hindi ang naturang panukala tuloy parin naman ang patayan sa ating bansa.
“Sana huwag matuloy ang death penalty, pero hindi man matuloy, wala naman, talaga namang, meron bang population control sa pagpatay ng maraming tao, population control na iyon”, pahayag ni Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, ang dapat gawin ng gobyerno ay pagtuunan ng pansin ang mabagal na sistema ng hustisya dahil isa ito sa mabigat na pinapasan ng ating bansa.
“Ang isang talagang pinaka mabigat na pasanin ng bansa natin yung ating justice system, yung ating justice system mas mabagal pa sa pagong ang lakad”, ani Cruz.
By: Avee Devierte / Race Perez
Credits: Balita Na Serbisyo Pa Program ng DWIZ na mapapakinggang tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido