Pinayuhan ni dating CBCP o Catholic Bishops Conference of the Philippines President Archbishop – Emeritus Oscar Cruz si Msgr. Arnel Lagarejos na magpakalayu-layo muna.
Ito ay makaraang masangkot si Lagarejos sa tangkang pagkuha sa serbisyo ng isang 13 anyos na bata sa Antipolo City.
Ayon kay Cruz, bagama’t iimbestigahan pa lamang ng Ecclesiastical Tribunal ang kaso ni Lagarejos ay nagdulot na ito ng malaking iskandalo sa Simbahang Katolika at tiyak na makakarating ang usapin sa Santo Papa sa Roma.
Aniya, kung mapatutunayang nagkasala ay tiyak na maaalis si Lagarejos sa bokasyon ng pagpa-pari at posibleng maging ex-communicado sa Simbahang Katolika.
Kasabay nito, muling umapela si Cruz sa mga mananampalatayang Katoliko na huwag mawalan ng pananalig.