Hindi magandang halimbawa lalo sa mga kabataan ang Queen of Pop na si Madonna.
Ito, ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, matapos ang dalawang araw na konsyerto ng international pop star sa Maynila.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Arguelles na ‘bulgar’ ang istilo ng pamumuhay ng ‘material girl’ kaya’t hindi dapat kinukunsinti.
Giit ng arsobispo, nililinlang ni Madonna ang publiko dahil ang mga gawain umano nito ay salungat sa Christian religion.
“Hindi mabuting impluwensiya lalo na sa mga kabataan, kilala ko naman matagal na si Madonna na binabastos niya ang simbahan, binabastos niya ang religion.”Ani Arguelles.
Nilinaw naman ni Archbishop Ramon Arguelles na hindi niya ipinanawagan ang pag-boycott sa concert ni Madonna.
Ipinaliwanag ni Arguelles na ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin na pigilan ang tuluyang pagkasira ng moralidad ng kabataan, lalo na at talamak ang imoralidad sa mga napapanood ng mga ito.
Binigyang diin din ni Arguelles na napakamahal ng ticket sa concert, at kung ito ay ginamit sa ibang paraan, katulad ng pagpapakain sa mahirap, malamang ay marami na itong napakain.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Archbishop Ramon Arguelles
By Jelbert Perdez | Trinz Valle | Ratsada Balita
Photo Credit: CBCP for life