Tinawag na barbaro ni retired Archbishop Oscar Cruz si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Cruz, tila mas naaayon sa panahon ng mga barbaro ang kaisipan at mga pananaw ni Duterte kung paano sosolusyonan ang mga problema ng bansa.
Ipinakita anya ni Duterte na wala siyang iginagalang matapos na pati si Pope Francis ay isama niya sa kanyang pagmumura.
“Kung hindi siya maniwala sa Santo Papa, magalit siya karapatan po niya yun, sa mga pari, karapatan po niya yun, pero yung sabihin niyang halimbawa uy magtayo na kayo ng punerarya pagkat papatayin ko kayong lahat, walang human rights human rights sa akin, iba na po yun, ipagmalaki mo pa na may mga babae ako, mukha pong hindi po umuugma sa sibilisasyon sa ngayon.” Ani Cruz.
Ayon kay Cruz, maganda rin para sa isang kandidato na ipakita sa mga botante ang tunay niyang pagkatao na tulad ng ginagawa ni Duterte.
Gayunman, may mga bagay aniya sa pagkatao ng isang nilalang na hindi na dapat ipangalandakan na tulad ng ginagawa ni Duterte sa dami ng kanyang asawa.
“Talaga naman pong tayo’y nagkakamali, sinong hindi nagkakamali? ako kasama na ako diyan, pero yung ipagmalaki mo, ipasabog mo sa buong Pilipinas na ika’y ganun iba na yun, may problema po yun, para bang bida ka pagkat mali ka, ganun ba yun? bida ka pagkat immoral ka, ganun ba yun? Bida pagkat mamamatay tao ka. Ganun ba yun? Mukhang wala po sa lugar.” Pahayag ni Cruz.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
1 comment
mr. cruz wag ka namang magsabe ng ganyan u manghusga pagkat di mu naman alam ang tunay na pagkatao ni mayor duterte. .