Pinayuhan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang publiko na ihalal ang mga leader na disenteng haharap sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Palma matapos ang kontrobersyal na rape joke ng presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palma, nakababahala ang binitiwang biro ni Duterte lalo’t maaari itong makaapekto sa persepsyon ng international community sa imahe ng Pilipinas.
Nagtataka rin ang arsobispo kung bakit ikinatuwa pa ng ilang mamamayan ang biro ng alkalde sa Australian missionary na si Jacqueline Hamill na ginahasa at pinatay ng mga preso sa Davao City noong 1989 sa halip na mangibabaw ang respeto sa mga yumao.
Iginiit ni Palma na naka-depende sa mga botante ang kinabukasan ng bansa kaya’t dapat masusing piliin ang mga leader na iluluklok.
Samantala, muling hinimok ng arsobispo ang mga mananampalataya na manalangin upang magkaroon ng mapayapa at malinis na halalan at ipagdasal na magkaroon ng mga “matinong” leader ang bansa.
‘Rape joke’
Umalma pa ang ilang obispo hinggil sa umano’y rape joke na pinakawalan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Retired Archbishop Oscar Cruz, masyadong lapastangan ang mga binitiwang pahayag ng alkalde laban sa isang rape victim.
Bagama’t hindi masabing masamang tao si Duterte, tiniyak nito na mula sa isang disente at marangal na pamilya ang alkalde.
Para naman kay dating Caloocan Bishop Deogracias Yñiguez, dapat isaalang-alang ng mga botante ang kapakanan ng bansa sa pagpili ng susunod na pinuno ng bansa.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala