May ilang naniniwala na unti-unti nang nawawala ang mga sinehan. Sa paglaganap ng online streaming platforms, mas pinipili na lamang ng karamihan na manood sa kanilang sariling tahanan.
Sa kabila nito, hindi tumitigil ang cinema sa pag-evolve. Sa katunayan, bukas na sa publiko ang Sphere, isang music and entertainment arena sa Las Vegas, Nevada, United States na mayroong pinakamalaking LED screen sa buong mundo!
Katulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, spherical o pabilog ang hugis ng Sphere arena.
Pinalilibutan ng 16K resolution LED screen ang 18,000 seats nito sa loob. Dahil sa 360-degree panoramic view, tiyak na mae-enjoy mong manood rito, saan ka man nakaupo.
Gumagamit din ang arena ng 4D physical effects at state of the art sound system, kaya hindi ka lang basta makakapanood, mararanasan at maisasabuhay mo rin ang exhibit.
Kahit nasa labas ka pa lang, mai-entertain ka na agad dahil mayroong LED displays ang exterior ng Sphere at makikita mo ang pagpapalit-anyo nito sa isang emoji, mata, buwan, o mundo.
Nagkakahalaga ng P4,640 hanggang P14,600 ang tickets sa The Sphere Experience. Hindi pa kasama rito ang taxes.
Ipinapakita ng Sphere na maaaring ipagsama ang sining at teknolohiya upang lumikha ng mga kakaiba at hindi malilimutang karanasan. Patunay rin itong puno ng posibilidad ang entertainment industry at patuloy itong lalakas sa paglipas ng panahon.