Hindi na dapat na tantanan ng militar ang mga natitirang miyembro ng Maute group sa Marawi City upang hindi na makatakas ang mga ito.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Governor Mujiv Hataman na naniniwalang malapit nang matapos ang bakbakan sa Marawi at ang clearing sa mga gusali ang dapat tutukan sa mga improvised explosive device o IED na iniwan ng mga terorista sa mga gusali.
Kasunod na rin ito nang pagkakapatay ng militar kina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Posibleng anumang araw ay maideklara na ng mga awtoridad ang kalayaan ng Marawi City mula sa kamay ng mga terorista.
“Isang malaking bagay, isang malaking tagumpay sa opensibang militar diyan sa Marawi, tingin ko indication na rin ito na totoong patapos na ang crisis sa Marawi, I’m sure anytime soon pagkatapos ng clearing operations doon sa mga IED kung meron pang natitira, baka i-turnover na yan o i-declare na ang final liberation ng Marawi City from the rebels.” Ani Hataman
Samantala, nagbabala naman si Hataman sa mga posibleng gimik ng Abu Sayyaf Group o ASG.
Kasunod na rin ito nang pagkamatay ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon kasama si Omar Maute sa pakikipagbakbakan sa mga awtoridad sa Marawi City.
Sinabi ni Hataman na asahan na ang nakaugalian ng ASG na gumagawa ng paraan para ma-divert ang atensyon ng publiko.
Ayon kay Hataman ang pagkamatay ng dalawang terorista ay pagkakataon ng militar para tapusin na ang bakbakan sa Marawi City.
Mahalaga rin aniya na patuloy na maging mapagmatyag ang komunidad sa laban kontra terorismo.
(Ratsada Balita Interview)