Nabawi na ng militar ang armoured vehicle na may markang Dasia na ninakaw ng mga terorista noong unang linggo ng pagkubkob nila sa Marawi City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Marawi Spokesperson Captain Jo-ann Petinglay, matinding bakbakan muna ang naganap bago nabawi ang nasabing armored vehicle.
Ani Petinglay, ang nasabing sasakyan ay ang nakunan ng larawan na may nakakakbit na bandila ng ISIS habang sakay ang isa sa mga lider ng mga terorista na si Abdullah Maute.
Ginamit din aniya ng mga terorista ang naturang armored vehicle sa kanilang pag-atake sa mga sundalo.
Kasamang nabawi ng militar ang isang gusali na naging kuta ng grupong Maute kung saan nadiskubre ng militar ang isang tunnel na pinag-imbakan umano ng mga pagkain, bala at armas ng mga kalaban.
Mga napapatay sa Marawi umabot na sa 706
Pumalo na sa 706 ang bilang ng mga napapatay sa mahigit dalawang buwang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute terror group sa Marawi City.
Ayon kay Joint Task Force Marawi Spokesperson Captain Jo-ann Petinglay, 539 sa nasabing bilang ng mga nasawi ay mga terorista, 122 sa panig ng pamahaan habang nananatili sa 45 ang bilang ng mga nadamay na sibilyan.
Umabot naman na sa mahigit 1,700 ang mga nailigtas na sibilyan mula sa loob ng Marawi.
Dagdag ni Petinglay, sa kanilang pagtaya, nasa 50 hanggang 70 sibilyan pa ang naiipit sa loob ng battle zone.