Nakatakda nang talakayin sa plenaryo ng senado ang Arms Trade Treaty matapos makalusot sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations.
Ito’y kahit pa maraming mga senador ang tumutol sa pagpasa ng nasabing tratado dahil walang katiyakan kung masosolusyunan nito ang problema ng bansa sa loose firearms.
Ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, Chairman ng komite, layon nitong labanan ang talamak at iligal na pagpupuslit ng armas sa bansa na nagdudulot ng matinding pinsala sa publiko.
Una nang ipinunto ni Sen. Imee Marcos na ang mga ipinupuslit na armas ay hindi naman mula sa ibang bansa kungdi nanggagaling mismo sa mga lokal na gumagawa nito.
Binigyang diin pa ni Marcos na sangkot din sa pagpupuslit ng armas sa bansa ang ilan mismong mga nasa kapangyarihan na patago aniyang nagbebenta nito sa mga terrorista at bandido.