Posibleng masalang sa court martial ang isang junior officer ng Philippine Army dahil sa kabiguan nitong tugunan ang pagpatay sa mga Lumads sa Surigao del Sur.
Ayon kay Army Spokesman Col. Benjamin Hao, lumalabas na hindi alam ng platoon leader ang kanyang gagawin makaraang utusan sila ng kanilang commanding officer na rumesponde sa barangay kung saan naghahasik di umano ng lagim ang paramilitary group na Magahat Bagani.
Itinanong pa di umano ng platoon leader sa kanyang commanding officer kung paano nila lalabanan ang mga armadong grupo gayung mayroong mga sibilyan sa kapaligiran.
Lumalabas na pagdating ng mga sundalo sa nasusunog na Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development o ALCADEV ay nakaalis na ang mga armadong grupo at nakalikas na rin ang mga mamamayan.
Matatandaan na isang school leader ang nasawi sa naturang insidente at 2 lider pa ng Lumad ang naunang pinatay di umano ng paramilitary group.
By Len Aguirre