Sinibak na sa puwesto ang commanding officer ng 2nd infantry battalion at ng 9th infantry division ng Philippine Army na sangkot sa pagpapalabas ng minanipulang larawan ng mga sumukong rebelde sa Masbate noong nakaraang linggo.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, noong Martes pa, Enero 7 sinibak si Lt. Col. Napoleon Pabon.
Ito ay matapos aniyang aminin ni Pabon ang pagkakamali at akuin ang pananagutan sa kontrobersyal na edited pictures ang mga sumukong rebelde.
Dagdag ni Zagala, kanila nang nirerepaso ang polisiya sa pagpapalabas ng tamang impormasyon at ulat sa publiko kasunod ng insidente.
Samantala, muling iginiit ni Zagala na totoo ang pagbabalik pamahalaan ng mahigit 300 mga dating rebelde at pagsuko ng 45 armas. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)