Hindi na naman natuloy ang arraignment ng nasibak na si Makati City Mayor Junjun Binay para sa mga kasong graft at falsification of public documents.
Sa halip, ni-reset o muling itinakda ng Sandiganbayan 3rd Division ang pagbasa ng sakdal sa Nobyembre 10.
Ipinagpaliban ang arraignment matapos igiit ng abogado ni Binay na si Atty. Joseph Castillo na katatanggap lang nila ng desisyon ng korte na nagbabasura sa kanilang motion for reconsideration para sa ‘judicial determination’ ng probable cause.
Nag-ugat ang kaso laban kay Binay sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2 na sinasabing ‘overpriced’ ng dalawang bilyong piso.
—-