Nagtataka ang kampo ni Senador Leila de Lima sa desisyon ng Muntinlupa RTC na magpalabas ng arrest warrant laban sa Senadora.
Sinabi ni Atty Alex Padilla, isa sa mga abogado ni De Lima na natatawa sila dahil itutuloy pa rin aniya ang hearing ng kanilang motion to quash ngayong araw na ito at ito pa lamang sana aniya ang pagbabasehan kung magpapalabas ng arrest warrant.
Kinuwestyon pa ni Padilla ang nasabing hakbang dahil hiniling pa ng prosecutor na ipagpaliban ang pagdinig sa Biyernes ng susunod na linggo kayat nakapagtatakang nag isyu na ng arrest warrant ang korte kahit hindi pa nakikita ang mga ebidensya.
Binigyang diin ni Padilla na walang nailabas na konkretong ebidensya na magpapatunay sa papel ni De Lima sa drug trade sa NBP o tumanggap ito ng pera mula sa high profile inmates ng NBP.
Dapat aniyang bribery case ang isinampa ng DOJ laban kay De Lima kung iginigiit ng inmates na nag solicit ng pera sa kanila ang Senadora para sa kampanya nito at hindi drug trafficking na isang non bailable offense.
By: Judith Larino