Inaprubahan na ng House Committee on Justice ang committee report sa impeachment hearings at articles of impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Tatlumpu’t tatlong (33) miyembro ng komite ang bumoto pabor samantalang isa lamang sa katauhan ni Congressman Kit Belmonte ang kumontra.
Ito na ang pagtatapos ng halos anim na buwang pagdinig ng komite bago iakyat ang report para pagbotohan sa plenaryo.
Bago ang botohan ay inilatag ni Congressman Rey Umali, chairman ng komite ang anim na articles of impeachment laban kay Sereno.
Kinabibilangan ito ng culpable violation of the constitution, corruption, betrayal of public trust at iba pang high crimes kung saan nakapaloob ang dalawampu’t apat (24) na mga alegasyon laban sa Chief Justice.
Sa orihinal na bilang ng mga alegasyon ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno, hindi isinama sa articles of impeachment ang di umano’y utos ni Sereno sa mga hukom na huwag magpalabas ng warrant of arrest laban kay De Lima at naging talumpati nito sa commencement exercises sa Ateneo.
(1/2) TINGNAN: Kopya ng Sereno impeachment complaint committee report na inaprubahan ng House Justice Committee | via @JILLRESONTOC https://t.co/jp9oFcP908
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 19, 2018
(Ulat ni Jill Resontoc)
‘Red Monday Protest’
Kasabay nito ay nagkasa naman ng ikatlong Red Monday Protest ang mga empleyado ng Korte Suprema kasabay ng flag raising ceremony kaninang umaga.
Bahagi ito nang patuloy na panawagang bumaba sa puwesto si CJ Sereno.
Magugunitang siyam na mahistrado ang nakiisa sa ikalawang protesta para magbitiw sa tungkulin ang Punong Mahistrado.—By Judith Larino
—-