Tukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang hitsura ng mga suspek sa pambobomba sa Roxas night market sa Davao City.
Ayon kay PNP Chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, base sa artist sketch ay isa sa mga suspek ay lalaking balbas sarado na nag-iwan umano ng bagaheng pinaniniwalaang may bomba sa night market, noong Biyernes.
Gayunman, wala pa anya silang personal na impormasyon gaya ng pangalan ng mga nasa artist sketch.
Ipinauubaya na ni Dela Rosa kay PNP Deputy Chief for Operations, Dir. Benjamin Magalong ang paglalabas ang artist sketch ng mga salarin.
Base sa report, apat na persons of interest ang hinahanap ng PNP.
Samantala, hindi pa isinasantabi ng PNP ang anggulong sabawatan ng mga drug lord at Abu Sayyaf Group sa nangyaring pagsabog sa night market sa Davao City.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, hindi malayong magpasabog rin ang Abu Sayyaf para magkapera dahil nangho-hostage ang mga ito para makakuha rin ng pera.
Malaki aniya ang posibilidad na may nabuong koneksyon sa pagitan ng Abu Sayyaf at drug lords na nasa loob at labas ng Bilibid sa gitna na rin ng matinding kampanya ng gobyerno kontra illegal drugs.
Sinabi ni Dela Rosa na bagamat urong sulong ang Abu Sayyaf sa pag-ako sa night market bombing, ang mga bandido pa rin ang pinaghihinalaan nila dahil sa matinding opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf sa Sulu.
By Drew Nacino | Jonathan Andal (Patrol 31) | Judith Larino