Lumutang sa tanggapan ng NBI o National Bureau of Investigation si Lalaine Madrigal Martinez, asawa ng high profile inmate sa NBP o New Bilibid Prisons na si Noel Martinez.
Kinumpirma ni Lalaine na pinaputukan ng hindi pa nakikilalang salarin ang sinasakyan niyang SUV sa bahagi ng Barangay Carmona sa lungsod ng Makati noong gabi ng Pebrero 23.
Salaysay pa ni Lalaine, pauwi na siya sa kanilang tahanan nang mangyari ang pamamaril habang binabaybay ang bahagi ng Chino Roces.
Inakala niyang may bumato sa kanyang sasakyan ngunit tumambad ang tumulong dugo sa kanyang kanang braso dahilan para mabuo ang hinalang may nagbabanta sa kanyang buhay.
Samantala, itinanggi rin ni Lalaine na kamag-anak niya si dating Senador Jamby Madrigal na unang idinawit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sangkot sa panunuhol sa mga high profile inmate para baliktarin ang kanilang testimoniya laban kay Senadora Leila de Lima.
Anggulong ambush, pre-mature—NBI
Pre-mature pa kung ituring ng NBI o National Bureau of Investigation ang nangyaring shooting incident kay Lalaine Martinez, asawa ng high profile inmate na si Noel Martinez.
Ayon kay Atty. Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng NBI, isang bala lamang kasi ang tumama sa windshield ng sasakyang minamaneho ni Lalaine noong gabi ng Pebrero 23.
Kung pagbabatayan ang resulta ng forensic examination sa nasabing sasakyan, sinabi ni Lavin na nasa 3 talampakan ang layo ng bumaril mula sa sasakyan nang mangyari ang insidente.
Pababa rin aniya ang trajectory o iyong pagtama ng bala sa windshield ng sasakyan ni Martinez na siyang dahilan kaya’t nadaplisan ito sa kanyang kanang braso.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga operatiba ng NBI hinggil sa pangyayari.
By Jaymark Dagala | Report from Aya Yupangco (Patrol 5)