Arestado ang asawa ng isa sa mga miyembro ng grupong Maute sa Cotabato City.
Kinilala ang suspek na si Najiya Dilangalen Karon Maute, 37-anyos na nasakote sa Barangay Rosary Heights 2 nitong Martes, Enero 23.
Si Maute ay isang civil engineer contractor at kabilang sa mga indibidwal na nasa listahan ng arrest order 2 ng Department of National Defense (DND) dahil sa paglabag sa Article 134 o Rebellion.
Ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group Autonomous Region in Muslim Mindanao (PNP – CIDG ARMM), si Najiya ay asawa ni Mohammad Ayam Romato Maute, isa sa mga miyembro ng ISIS – Maute na nasawi sa limang buwang sagupaan sa Marawi City.
Batay sa mga nakalap na impormasyon ng mga otoridad, si Najiya ay isa sa mga pamangkin ni dating Maguindanao Representative Didagen Dilangalen.
Samantala, nakatakdang dalhin si Maute sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sa Biyernes.